Kwentong K ni Nanay Hilyn Tambalong

 Sep-20-2021

     Si Nanay Hilyn Tambalong mula sa Satellite Office ng Meycauayan ay limang taon nang miyembro ng K-Coop. Pagtitinda ng Yema ang paumpisang negosyo niya ng sumali siya sa K-Coop. Si Nanay Hilyn mismo ang gumagawa ng Yema na kanyang pinapadala sa Malis, Guiguinto, Bulacan at nagtitinda rin siya sa mga nais bumili na mga kapit-bahay. Malaki ang naging tulong ng pag-uumpisa niya ng negosyong ito sa kanilang pamilya dahil dito sila kumukuha ng pang gastos sa araw-araw at panustos sa pag-aaral ng kanyang mga anak. Isa si Nanay Hilyn sa mga aktibo at mabuting kasapi ng kooperatiba.

     Sa pagdating ng pandemya dumating ang hindi inaasahan na dagok sa kanyang pamilya at kabuhayan. Nawalan ng trabaho ang kanyang asawa na dating nagta-trabaho sa pagawaan ng EQ Diaper bilang isang service driver. Humina din ang kita sa paggawa ng yema dahil sa mga nagsarang mga tindahan kaya nahirapan siya sa kanyang hulog linggo-linggo. Sa panahon na ito napatunayan niya ang malasakit ng K-Coop sa mga miyembro nito dahil nagkaroon ito ng pansamantalang moratorium na nakabawas sa isipin ni Nanay Hilyn. Sinikap muli ng kanyang asawa na makahanap ng bagong trabaho, nakahanap man ay hirap pa rin dahil bilang lamang ang araw ng pasok kung saan ang sinasahod ay limitado lamang sa pang araw-araw na gastusin. Nagdulot din ito ng pansamantalang paghinto sa pag-aaral ng kanyang anak.

     Muling nagbalik operasyon ang K-Coop at may bagong produkto na inalok na nakatulong makapagpapagaan ng kanyang lingguhang hulog; Ito ay ang K-Sagip Loan. At dahil isang disiplinado at responsableng miyembro si Nanay Hilyn, isa siya sa mga inirekomenda na makapag-avail ng loan product na ito. Dito napaliit ang kanyang hulog kada linggo kaya naman mas sinikap pa rin niya mabangon muli ang kanyang kabuhayan at unti-unti kahit na sa maliit na pag-usad ay bumabalik na ang sigla ng kanyang negosyo.

 

Lorie Joy Pelias

Soci-Economic Officer

Meycauayan SATO