MAY BIYAYA ANG PANDEMYA
Oct-01-2020Dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa, malaki ang naging epekto nito sa pamumuhay ng mga mamayang pilipino pagdating sa kanilang negosyo o trabaho na kung saan ito lamang ang tanging pinagkukuhanan ng kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Ang pagpapatupad ng pamahalaan ng Community Quarantine o Lockdown noong Marso dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng positibo sa COVID19 ay nagdulot ng pagsasara at pagtigil ng operasyon ng mga negosyo at mga kumpanya. Lubhang tinamaan ang mga mamamayang manggagawa maliban sa mga tinuturing ng pamahalaan na “essential services”. Bagaman silang mga essential services ay tinamaan din ng bahagya dahil sa limitado lamang ang bilang ng maaring pumasok, naka-No Work No Pay, at kasama pa dito ang hamon sa pagbiyahe dahil pinatigil din ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan.
Kabilang ang negosyong Airconditioning Services ni Martiniana Mancio o “Ate Ana” sa naapektuhan ng lockdown. Hindi ito kasama sa tinukoy na essential service ng pamahalaan kung kaya wala silang magagawa kungdi ang pansamantalang magtigil ng operasyon.
Katuwang ni Ate Ana sa pagpapatakbo ng negosyo ang kanyang butihing asawa at ang mga tauhan na kanilang inempleyo. Dahil sa pagpapatupad ng Community Quarantine, ang mga manggagawa ni Ate Ana ay na-stranded sa kanilang lugar. Kahit mahigit tatlong (3) buwan na nakatigil ang operasyon hindi ito naging dahilan para mapabayaan ang mga empleyado. Sinikap ni Ate Ana na mabigyan ng tulong sa pamamagitan ng relief goods mula sa LGU at tulong mula sa Kasagana- ka ang kaniyang mga manggagawa. Hindi naging balakid ang pandemya para malimitahan ang kagustuhan ni Ate Ana na makatulong sa kaniyang mga tauhan.
Maliban sa Airconditioning Services, nagtitinda din si Ate Ana ng mga estante o lagayan na maaaring gamitin sa negosyo kung ikaw ay may tindahan. Maaari itong bayaran ng cash o hulugan. Batid ni Ate Ana ang kalagayan ng mga kumuha sa kanya ng hulugan kung kaya hindi niya ito inobliga na maghulog, maaaring boluntaryo muna ang pagbabayad dahil sa kasalukuyang sitwasyon. Sa kabila ng mga pangyayaring ito hindi tumigil si Ate Ana sa paghahanap ng maaaring pagkakitaan. Siya ay nagtinda ng manok at iba pang mga ulam na pangunahing pangangailangan ng kanyang mga naging customer.
Sa pagpasok ng General Community Quaratine (GCQ) kung saan maaari nang magbalik operasyon ang ilang mga negosyo, balik operasyon din ang Airconditioning Services ni Ate Ana. Ngunit sa pag-aakalang magiging maayos na muli ang kanyang negosyo ay lalo itong nahirapan dahil sa pag-aadjust sa pagsunod sa mga protocol na mula sa pamahalaan. Kailangan kumuha ng Health Certificate ang kanyang mga manggagawa, na siya rin ang sumagot sa pambayad. Mayroon namang walang bayad ngunit malaking oras ang kailangan gugulin. Dito niya napatunayan ang hirap ng pag-aadjust sa “New Normal”, ngunit ito ang tama kaya naman hangga’t maaari ay tinitiyak niyang siya ay nakakasunod.
Labing-pitong taon nang miyembro si Ate Ana sa Kasagana-Ka, siya rin ang tumatayong center chief sa kanilang lugar. Sa kanya dumadaing ang kanyang mga kapwa miyembro na nanghihina na sa mga pangyayari, kaya naman bilang center chief o leader ay pinipili niyang maging matatag para sa kaniyang mga kasama. Binibigyan niya ang kapwa niya miyembro ng mga payo na makakapagpapalakas ng kanilang loob na magtiis at tuloy lang ang pagsisikap at higit sa lahat tiyakin na gamitin sa tama ang kanilang pera. Malaking pasasalamat niya sa K-Coop sa moratorium na ipinatupad na nakatulong sa kanila na kahit papano ay naisantabi ang pag-aalala sa hulugan at nagamit ang pera sa pang-araw araw na panustos ng pamilya. Nagpapasalamat rin siya sa buong pamunuan ng K-Coop na patuloy na nag-iisip ng mga programa at pamamaraan na makakatulong sa muling pagbangon ng mga naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID19.
Panalangin na punong-puno ng pasasalamat ang naging sandigan ni Ate Ana sa pagharap sa kasalukuyan at pagtanaw sa hinaharap. Naniniwala si Ate Ana na biyaya ang lahat ng nangyayari at may tatanawin pa tayong biyaya at aral mula sa pandemya.