Kwentong K ni Ruby Brizuela

 Mar-31-2021

            Mula sa probinsya ng Laguna namulat sa simple at mahirap na pamumuhay si Nanay Ruby Brizuela kasama ang mga magulang na parehong magsasaka na hindi tiyak ang kinikita sa araw-araw. Sa kabila ng hirap ng buhay nagpapasalamat parin dahil sa pagsisikap ng kanyang mga magulang ay nakatungtong siya ng highschool sa kanyang pag-aaral.

            Dahil sa hirap ng buhay napilitan si Nanay Ruby na lumuwas sa Maynila at nakipagsapalaran na makahanap ng trabaho ngunit hindi ito naging madali. Siya ay tumuloy sa kanyang tiyahin at tumulong sa paglalako ng mga kakanin, gulay at mga basahan. Sa hindi inaasahang pagkakataon dito niya nakilala ang kanyang naging asawa na si Tatay Nelson na noon ay nagtatrabaho sa Milex Construction Development Corporation sa Cainta, Rizal bilang driver at loader operator. Pinangarap nilang mag-asawa na bumuo ng malaking pamilya ngunit hindi ito pinagkaloob agad at sa anim (6) na taon ng kanilang pagsasama ay doon pa lamang dumating ang kanilang panganay. Pagkalipas ng tatlong (3) taon ay nasundan muli ito ngunit sa pagkalipas ng pitong (7) buwan mula ng pagkasilang ng kanilang ikalawang anak ay binawi agad dahil ito ay nagkaroon ng down syndrome. Naging masakit sa mag-asawa ang kinahinatnan ng kanilang anak ngunit buong lakas ng loob nila itong tinanggap at nagpapasalamat parin para sa kanilang panganay. Naniniwala si Nanay na isang pagpapala parin ang nangyari, mula sa paglalako ng kakanin ay nakapag tayo na sila ng sariling sari-sari store na sa kasalukuyan ay 26 years na niya itong pinapatakbo.

            Taong 2018 ay naging miyembro si Nanay Ruby ng K-Coop, siya ay nahirapan sa pagdedesisyon dahil tutol ang kanyang asawa sa pag sapi nito dahil sa pangamba sa pagtitiwala sa co-maker. Ngunit nanindigan siya at nagtiwala sa kooperatiba, limang libo ang naging una niyang loan sa K-Coop at ito ang pinagdagdag niya sa kanyang puhunan sa tindahan. Sa pagtagal niya sa kooperatiba ay nabigyan na siya ng pagkakataon na makapag loan ng iba’t-ibang produkto kagaya ng K-Edukasyon W1 na naging tulong sa pag-aaral ng kanyang anak, K-Benepisyo, K-Kalusugan at iba pa. Dito napatunayan niya na tama ang kanyang paninidigan at pagtitiwala  sa kooperatiba na siya namang pinagkasunduan na nila ng kanyang asawa. Naging aktibong kasapi si Nanay Ruby, kaya naman taong 2019 ay napili siya ng kanyang mag ka-sentro na maging Center Chief at napabilang din bilang Coordinator sa kanilang SATO.

            Hindi naging madali kay Nanay Ruby ang pagiging isang Center Chief, dito naranasan niyang maging masikap para sa kanyang mga kasama. Pagpapaliwanag at malawak na pag-intindi ang kanyang lagi sandata para sa mga kasama. Malaking hamon rin ang binigay ng pagdating ng pandemya sa kanilang sentro gayon din sa kanyang negosyo. Pasasalamat parin sa kooperatiba dahil sa konsiderasyon at hindi sapilitang paniningil. Isang malaking opurtunidad din ang pinagkatiwala sa kanya ng kooperatiba nang siya ay mapili bilang isa sa Karinderya Owner para sa Project Karinderya na sa kabila ng dinaranas ng bawat isa ay naging isa siya sa naging tulay ng pagtulong sa 20 pamilya sa loob ng 30 days.

            Pagtitiwala ang isa sa puhunan ni Nanay Ruby sa kanyang mga mga suki karamihan kasi dito ay mga nangungupahan lamang kaya may mga pagkakataon na siyang natatakbuhan ng mga ito sa kanilang utang. May mga pagkakataon na said-na-said na ang kanyang puhunan kaya nagpasasalamat siya sa K-Coop dahil naging katuwang niya ito sa pag ne-negosyo. Kasabay ng tagal niya sa pagiging miyembro ay kasabay rin ng paglago ng kanyang mga negosyo na sa kasalukuyan nakapagpatayo na ito ng sariling paupahan.

            Para kay Nanay Ruby ang mga unos at pagsubok na dumarating ay bagong opurtyunidad ng paglago. Kaya pasasalamat sa pamilya na naging katuwang at malaking pasasalmat rin sa kinabiblangan na kooperatiba, ang K-Coop.

 

                                                                                                                                                                                                             Jovelyn Bauat

                                                                                                                                                                                                             Parañaque Satellite Office