Representative Assembly 2019
Mar-23-2019Sa pagtutulungan at pagkakaisa ng bawat isa sa organisasyon, matagumpay na idinaos ng ating KASAGANA-KA Credit and Savings Cooperative ang Second Representative Assembly, na ginanap noong ika-23 ng Marso 2019 sa Skydome, SM City North EDSA, Quezon City.
Ito ay dinaluhan ng mahigit tatlong daan na mga napiling Satellite Representatives na mula sa apat na Sector ng kooperatiba. Walumpu’t siyam (89) mula sa East Sector, Pitumpu’t walo (78) sa Central Sector, walumpu’t lima (85) naman sa North Sector at limampu’t walo (58) mula sa South Sector na may kabuuang bilang na tatlong daan at sampu (310) o 89% ng kabuuang bilang ng Satellite Represenatives ang dumalo, nakisaya at nakiisa sa nasabing okasyon.
Si Gng. Martiniana G. Mancio, kasalukuyang Chairperson of the Board ng KCoop ang nanguna at nagbigay ng makabuluhang pagbati sa kasapian. Ito ay sinundan naman ni Gng. Rachel Volcan, sampung taon nang miyembro ng organisasyon mula sa Bagong Silang at kasalukuyang Ethics Committee Chairperson ng ating kooperatiba. Siya ay nagbahagi ng kanyang kwento patungkol sa kung paano nakatulong ang kooperatiba sa pag-aaral ng kanyang mga anak at sa kanyang buong pamilya. Ibinahagi na rin niya ang kanyang kagalakan na dahil sa kooperatiba ay marami siyang nakilala at lumawak ang kanyang karanasan bilang isang leader. Nagbigay rin ng kwento ng pag-unlad ang isa pang Nanay mula naman sa Sapang Palay na si Gng. Raquel Jose na kasalukyan ay labing isang taon nang miyembro ng kooperatiba. Siya ay nagbigay ng mensahe sa kasapian kung paano lumago ang kanyang negosyo sa tulong ng ating kooperatiba.
Tayo ay binisita rin ng kagalang-galang na Senator Paolo Benigno “BAM” Aquino IV. Hindi pa man buo ang ating kooperatiba, si Sen. Bam Aquino ay kasama at isa sa mga katuwang natin sa pag-unlad ng organisasyon. Nagbahagi siya ng kanyang kahusayan bilang isang lingkod-bayan at nagbigay-inspirasyon sa buong kasapian.
Pinangunahan naman ni Sector Manager Gener Guinto ang pagpapaliwanag tungkol sa magiging daloy ng botohan. Naging madali na ang naganap na botohan sa pagpili ng bagong mga Direktor dahil sa kauna-unahangg pagkakataon tayo ay gumamit na ng Automated Voting System.
Nagpatuloy ang daloy ng programa sa Business Meeting matapos ang botohan. Isa-isang inilatag ang katitikan ng pulong sa nagdaang unang assembleya noong nakaarang taon at mga paksa na kakailanganin ng pagsang-ayon sa pamamagitan ng Representative Assembly. Ibinihagi ng ating General Manager na si Gng. Maria Anna Ignacio ang mga ulat at mga accomplishment sa nakalipas na taong 2018 kasama na rin magiging plano sa taong 2019. Samantala, pinangunahan naman ni G. Jaime Varela, Treasurer ng KCoop ang mga ulat pinansiya. Sumunod nito ay binigyan ng pagkilala at pasasalamat sa panunungkulan ang mga BOD na nasipagtapos ng kanilang termino. At sa pagtatapos ng Business Meeting ay inanunsyo na ang pangalan ng mga nanalong Kandidato. Sila ay sina, Gng. Martiniana G. Mancio mula sa RHS na nakakuha pinakamataas na boto na may bilang na 252, sumunod ay si Gng. Jenny F. Navarro mula naman sa Masinag na nakakuha ng 167 na boto at mula naman sa Norzagaray na si Gng. Mary Grace L. Calayag may 106 na boto.
Para sa huling bahagi ng Representative Assembly ay nakaroon ng Special Meeting ang Board of Directors kasama ng bagong halal na mga Direktor, kung saan nagkaroon ng botohan ang Board n kung sino ang magiging Chairperson at Vice Chairperson, at pagtatalaga ng Cooperative Secretary at Treasurer.
Maagang natapos ang pulong ng Representative Assembly kasunod ng maayos at matagumpay na Automated Voting System at sa pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat.